Thursday, July 29, 2010

RESIBO SA PALENGKE?



"Resibo sa palengke?"
(isinulat ko noong ika-22 ng Hulyo,2010, huwebes sa aking personal na FB acct)


Resibo sa palengke?

Ang mabigat na dahilan kung bakit marami pa rin ang mga nagtitinda sa bangketa ay dahil 'di sumasapat ang kinikita nila, unang-una na sa lahat!

'Di ito mahirap intindihin. Hindi nga identified ang ganitong kabuhayan kung babasehin sa 'mga uri ng negosyo' ng pamahalaan. Dahil ang pinakamaliit ngang uri ng negosyo (o micro) ay nangangailangan ng minimum na P10k na puhunan para marehistro.

Ang 'di nasasaklaw ng kategoryang ito... tinatawag na lang na 'informal'. Taguri pa lang, nakapanlulumo na. Sori na lang ano kung wala kang malaking puhunan.

Dahil kung nangangarap ka pang mabigyan ng assistance ng pamahalaan (lokal man o nasyunal), manigas ka na lang sa inggit dahil ang nakakapag-enjoy lang ng serbisyong ito ay muli... yung mga nasasaklaw lang ng mga kategoryang nasa listahan ng gubyerno.

Mabalik sa usapan...

Kung susuriin, ilan nga lang ba talaga ang may lehitimong pwesto sa palengke... na nagi-issue rin naman ng resibo kung humihingi ang mamimili.

Alam ko ito dahil namamalengke ako sa ating mga pamilihang bayan na unti-unti na ring natatalo sa kumpitensya ng naglalakihang de-aircon, malinis at minsa'y mabango ring mga supermarket.

Kung tutuusin rin, mas marami sa mga may pwesto sa palengke ang maliliit lang na mga tindahan. Kadalasan, sapat lang din ang kinikita para muli pang paikutin ang pera para sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya at maliit na kabuhayan.

Mangilang-beses rin na akong nakasaksi ng mga may pwesto sa palengke na 'di na kinaya ang pagkalugi. Marami nito ay naroon sa mga palengke sa probinsya. Nagawan ko pa ng maikling dokumentaryo ito noong nasa kolehiyo pa ako.

Ganito na ba talaga ka-desperado ang pamahalaan para solusyunan ang malaking deficit sa badyet? Wala na ba talaga itong mapigang ibang matalinong solusyon?

'Di ba't bagong-upo lang naman ang karamihan sa kanila, sa ngayon pa lang ba ay wala na silang maisip na makatarungan na paraan para makalikom ng sapat ang kaban ng bayan?

At ang isa pang tanong, kasali ba sa kailangang magbigay ng resibo ang mga mayor na nagtitinda sa palengke na napawesto lamang sa mga bangketa? Kung magkakagayon... nakakatawa ito na nakakainis.

Sa ibang bansa nga na gaya na lang ng iba pang developing states ng timog-silangang asya, mas lalo pang binibigyan ng assistance ang maliliit na 'tyangge'. May espesyal ring paraan ng pagbubuwis sa kanila na 'di nakasasama sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan, bagkos ay lalo pang nagbibigay sa kanila ng motibasyon na lalupang seroyosohin ang pagpapalago ng kabuhayan.

Kaya't patok na patok ang mga tyangge sa mga bayang gaya ng Thailand, India at Vietnam.

Samantala, mabalik rito sa atin... ano nga bang patuloy na dinaranas ng mga tindero at tindera sa bangketa at palengke natin?

Natural... eh 'di harassment na walang humpay mula sa pulis, barangay, MMDA, sindikato... kanino pa?

Imbes na tulungan sila na lalo pang pagandahin at diskartehan ang paraan ng kanilang pagtitinda para magmukha silang atraksyon (imbes na sakit sa paningin) at mas humatak ng marami pang mamimili... tinataboy sila na parang mga pesteng hayup at sinisira, sinasabotahe ang mga paninda ng mga otoridad.

Ngayon, pag-uusapan rin ba natin ang pagbubuwis sa kanila?

Eh kamusta ba ang pagbubuwis ng ating gubyerno sa mga naglalakihang negosyo na gaya na lang ng muli ng mga supermarket na tumatabo ng milyun-milyon araw-araw?

Naisulat ko na nga minsan rito ang napuna kong tila-modus ng ilang mga malalaking supermarket. Ang mga barya-baryang 'di naisusukli na malamang na malinis nilang nalilikom na ligtas sa mata ng kagawaran ng rentas internas.

Milyun-milyon ang maaari nilang matipon at kitain sa loob ng isang taon sa mga baryang 'di isinusukli sa mamimili.

Malaking pera rin itong 'di yata iniimbestigahan at himahabol ng gunbyerno mula sa higanteng negosyo. Samantala, ang kawawang Juan tindero at Juana tindera, muling nahaharap sa isa pang harassment ng estado.

Nasaan ang tunay na pagbabago riyan

--------------------------------------------------------


Makaraan ang ilang araw, siguro may taga-mall na iyon ang nakabasa sa tala ko at napansin kong nanunukli na sila.

Oo, may ibinibigay na uli na singkong butal. Pero syempre ganun pa rin at may ilang sentimong imposible namang maisukli at maaari pa ring maipon at malikom ng kumpanya na di nabubuwisan.

Sa gitna ng mga ganitong reyalisasyon... 'di ko maalis sa isip ang pagdududa sa kung gaano ba ka-seryoso at makatarungan ang bagong administrasyon sa pagkalap ng mas epektibo sa mga buwis mula sa mga dambuhalang kumpanya na patuloy ring humahanap ng mga paraan para kumita ng ligtas sa pagbubuwis.

Halimbawa na riyan ang pagiging laganap na ng paggamit ng mga kumpanya ng kanilang foundation at CSR o Corporate Social Responsibility bilang rason para mabawasan ang kanilang buwis. Wala namana nga sanang masama rito, kung sa ideyal na mundo, ang panalo rito ay ang kanilang mga beneficiary hindi ba?

Pero paano ba binabantayan ng gubyerno ang mga social projects and campaigns na ginagawa ng mga kumpanya?

Ang totoo, at alam ng marami sa mga kapatid nating nagta-trabaho sa PR at advertising na mas marketing strategy pa ang CSR projects ng ilang mga kumpanya kaysa sa tuwirang pagtulong para sa makabuluhang pagbabago. Imbes na mag-'give-back' nakakakita pa sila ng ilan pang paraan para pagsilbihan ang sariling interes.